Mga ninakaw na pondo sa taumbayan, dapat ibalik —CBCP

Dapat ibalik ang mga ninakaw na pera ng taumbayan.

Ito ang iginiit ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa inilabas na pastoral letter kaugnay sa talamak na katiwalian sa mga flood control projects.

Ayon sa CBCP, ang mga anomalya ay kumikitil sa kinabukasan ng bansa dahil malaking bahagi ng pondo ng taumbayan ay napupunta lamang sa korapsyon.

Sabi ni CBCP President Pablo Virgilio Cardinal David, matagal nang alam ng publiko ang tinatawag nilang “anatomy of corruption” kung saan halos 60% ng budget ng mga proyekto ang napupunta umano sa komisyon, at kalahati lamang ang tunay na nagagamit sa aktwal na konstruksiyon.

Ito aniya ang dahilan kung bakit maraming proyekto ang natatapos nang palpak, substandard, at paulit-ulit lamang inuulit ng gobyerno.

Binigyang-diin ng CBCP na dapat managot ang mga sangkot kasabay ng panawagan na ibalik sa taumbayan ang pondong ninakaw bilang bahagi ng hustisya.

Binatikos din ng CBCP ang paglaganap ng kultura ng palakasan at pasasalamat kahit marumi ang pinagmulan ng tulong.

Ayon sa simbahan, hindi sapat na makuntento sa pansamantalang pakinabang at dapat ipaglaban ang malinis na pamamahala at tunay na katarungan.

Partikular ding nanawagan ang mga obispo sa mga kabataan na maging tagapagbantay sa social media laban sa kasinungalingan at disinformation.

Facebook Comments