Magkakaroon ng bagong guideline ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa mga party-list na lalahok sa halalan.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, kailangan nang magsumite ng mga party-list ng sampung nominees na kakatawan para sa kanila.
Nakapaloob aniya ito sa Party-list System Act kung saan bago ‘yan ay hindi hihigit sa lima ang listahan ng nominees na isusumite sa poll body.
Paliwanag ni Garcia, hindi na maaaring mag-resign at magsumite ng kanilang replacement ang mga party-list nominees kapag nanalo sila sa halalan.
Hinimok naman ng COMELEC chair ang mga party-list na kilatisin nang mabuti ang kukuning kinatawan na nagre-representa talaga sa kanilang sektor.
Paglilinaw pa ni Garcia, maaaring manghimasok ang COMELEC sakaling may maghain ng petisyon para i-disqualify ang isang nominee o kuwestiyunin ang lahat ng mga isinumiteng pangalan.
Nasa dalawandaang party-list na ang nagparehistro sa COMELEC para sa 2025 midterm elections pero nasa tatlumpu pa lamang ang kanilang naa-accredit ngayon.