Mga note verbale ng Pilipinas laban sa China, umakyat na sa 30 – DFA

Patuloy pang nadaragdagan ang mga inihahaing note verbale ng Pilipinas laban sa China dahil sa patuloy na presensya nito sa West Philippine Sea.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), pinakahuli rito ay ang inihaing note verbale noong Hulyo a-4 bunsod ng mga naitatalang presensya at aksyon ng mga barko ng China sa nasabing karagatan.

Nilinaw ng DFA na wala itong kaugnayan sa pinakahuling insidente ng pagharang ng mga Chinese Navy Vessel sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy noong Hunyo a-30.


Magugunitang sa ulat ni National Task Force for the West Philippines Sea Spokesperson, Commodore Jay Tarriela, hinarang ng mga barko ng Tsina ang mga barko ng Pilipinas na magsasagawa ng re-supply mission sa Ayungin Shoal.

Hindi naman natinag ang mga barko ng Philippine Navy at Coast Guard sa pagharang na ito ng mga barko ng Tsina at matagumpay pa rin nilang naihatid ang mga supply sa nakasadsad na BRP Sierra Madre.

Batay sa datos ng DFA, aabot na sa 97 na mga note verbale ang naihain ng Pilipinas laban sa China sa ilalim naman ng administrasyong Marcos Jr., kung saan, 30 rito ang inihain mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito.

Facebook Comments