Mga NPA, nais ding mapabakunahan ni Pangulong Duterte

Gusto ring bigyan ng bakuna kontra COVID-19 ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rebelde o mga kasapi ng New People’s Army (NPA).

Sa Talk to the People, inihayag ng pangulo na kung may sumobrang bakuna ay ibibigay niya ito sa rebeldeng grupo.

Uunahin lamang aniya ang mamamayan partikular na ang mga nasa bundok at mga nasa malalayong lugar at pagkatapos nito ay magbibigay siya ng bakuna sa NPA.


Kasunod nito, umaapela si Pang. Duterte sa mga rebelde na hayaan lamang ang gobyerno na makapag- bakuna at makapunta ng payapa sa mga vaccination sites sa mga liblib na lugar para mabigyan ng proteksyon ang mga residente doon mula sa virus.

Nanawagan din ang presidente sa NPA na sumuko na at isurrender ang kanilang mga armas sa Sandatahang lakas kaakibat ang pangakong bibigyan sila ng bahay, trabaho at kung walang alam na hanapbuhay ay isasailalim sa training ng TESDA.

Ani Duterte, walang mabuting maidudulot ang labanan at patayan bagkus ang pagkakaisa ang mahalaga lalo na ngayong dumadaan sa krisis ang bansa.

Facebook Comments