Tatanggapin ng Philippine National Police (PNP) ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na gustong mag-balik loob ngayong Pasko sa kabila ng hindi pagpapatupad ng ceasefire ng magkabilang panig.
Ito ang sinabi ni PNP Chief PGen. Debold Sinas makaraan na i-ulat ni Police Regional Office (PRO) 8 Regional Director PBGen. Ronaldo De Jesus ang pagsuko ng isang NPA sa Leyte na kinilala lang sa alyas na “Arman”.
Sinabi ni BGen. De Jesus, isinuko rin ni Arman ang isang German-made sniper rifle sa 2nd provincial mobile force company at intelligence unit ng Leyte Police Provincial Office.
Batay sa pag-iimbestiga ng PNP, si Arman ay kasama sa mga NPA na umatake sa PNOC Power Plant sa Brgy. Milagro, Ormoc City kung saan napatay ang dalawang pulis at tatlong sibilyan noong 2004.
Sangkot din daw ito sa pagpatay ng tatlong pulis ng Villaba Municipal Police Station sa magkakahiwalay na okasyon, at pagsalakay sa Aznar Ranch sa Tabango, Leyte noong 2004.
Ayon kay Arman, nagdesisyon siyang sumuko nang malaman niya na namumuhay na ng tahimik ang kanyang mga dating kasamahan na una nang sumuko.
Siniguro naman ng PNP na pinoproseso na nila ang pagkakaloob ng mga benepisyo kay Arman sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno.