Hinimok ni Senator Alan Peter Cayetano ang Commission on Elections (COMELEC) na kasuhan ang mga nuisance candidate o mga kandidatong pampagulo lang.
Ito ang iginiit ni Cayetano sa gitna na rin ng budget debate sa pondo ng Comelec sa susunod na taon.
Katwiran ng senador, nagiging “cheap” ang democratic process ng halalan dahil sa panggugulo ng ilan sa mga naghahain ng kanilang kandidatura.
Hiling ni Cayetano na dapat may masampulan at maparusahan sa ginagawang panglilito ng nuisance candidates.
Inihalimbawa ng mambabatas ang nangyari sa kanya noong unang beses na tumakbo siya sa halalan para sa pagkasenador kung saan isang Joselito Pepito Cayetano ang nakapaghain ng certificate of candidacy at limang araw bago ang eleksyon ay saka pa lamang ito naideklara ng Comelec na isang nuisance candidate.