Kinilala ni Senate Committee on Health Chairman Christopher Bong Go ang mga nurses na malaki ang ginagampanan na papel sa bansa.
Sa ginanap na Philippine Nurses Association International Nurses 8th Summer Conference, na dinaluhan ng 900 nurses sa bansa, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng mga nurses sa healthcare system lalo na ang kanilang walang pagod na pagharap sa mga krisis pangkalusugan tulad ng COVID-19 pandemic.
Pinaparangalan din ng senador ang dedikasyon at sakripisyo ng mga nurses na tinawag din niyang “modern-day heroes” tulad ng mga napipilitang magtungo sa abroad para kumita ng mas malaki sa kanilang mga pamilya.
Hindi lang aniya kalusugan ng ating mga kababayan ang kanilang pinapangalagaan kundi pati na ang ating ekonomiya.
Isinusulong naman ni Go na mapagtibay na agad sa Kongreso ang panukala na pagpapahusay sa nursing profession sa bansa kabilang ang Senate Bill No. 191, o ang “Advanced Nursing Education Act of 2022,” at ang implementasyon ng Republic Act No. 11712, o ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act.”