Iminungkahi ni House Committee on Civil Service and Professional Regulation Chairperson at Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor na unahing mabigyan ng plantilla position sa mga government hospital ang mga lisensyadong mga nurse na walang trabaho.
Suhestyon ito ni Tutor sa harap ng isinusulong ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na bigyan ng pansamantalang lisensya ang mga nursing board taker na nakakuha ng score na 70 to 74% para matugunan ang kakulangan ng nurse sa bansa.
Katwiran pa ni Tutor, walang nakasaad na probisyon sa Philippine Nursing Act of 2002 at PRC Modernization Act of 2000 na pwedeng bigyan ng temporary license ang mga nakakuha ng marka na 70% hanggang 74%.
Sabi ni Tutor, para matupad ang plano ng DOH ay kailangang magpasa ang kongreso ng panukang mag-aamyenda sa nabanggit na mga batas.
Ayon kay Tutor para mapabilis ang proses ng pagpasa sa nabanggit na panukala ay pwedeng hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sertipikahan itong urgent.
Kaugnay nito sinabi ni Tutor na ang maaaring gawin ng DOH ay pahintulutan ang pagsasagawa ng special examinations para sa mga nursing graduate na nakakuha ng score na mas mababa sa 60%.