Manila, Philippines – Hinimok ng gobyerno ang mga nagbabalik na household service workers partikular sa Middle East na pumasok at subukan ang pagwewelding sa bansa.
Marami aniyang OFWs sa Gitnang Silangan ang binabayaran lamang ng kanilang mga amo ng $250 hanggang $300 kada buwan sa kabila ng kautusan ng POEA na dapat ay $400 ang minimum salary ng mga household workers.
Ayon kay ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz, dapat na hikayatin ng pamahalaan ang mga Pinay OFWs na itaas ang skill at pumasok sa pagwewelding.
Aniya, bagamat maituturing na non-traditional na hanapbuhay para sa mga kababaihan ang pagwe-welding, maraming manufacturing, construction, semiconductor at electronic firms ang mas gusto ang babaeng welder dahil sa magaan at kalmado ang kamay ng mga ito sa paggawa.
Giit ni Bertiz, malaki ang kakulangan sa bilang ng mga welders sa Pilipinas dahil kakaunti lamang din ang sumusubok sa ganitong bokasyon at ang iba ay mas pinipili pang mangibang bansa.
Inihalintulad ni Bertiz ang sitwasyon sa New Zealand kung saan ang isang Filipino welder ay nababayaran ng P5,176 sa loob ng 8 oras na sampung beses na mas mataas kumpara sa P537 minimum wage na kinikita ng isang welder sa Metro Manila.
Sa 2019 budget, P7 Billion dito ay ilalaan para sa Free Technical and Vocational Education and Training para sa mga OFWs na nais maging welder sa bansa man o sa abroad.