Hiniling na ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. sa Food and Drug Administration (FDA) na payagan na rin na mabigyan ng second booster shot ang Overseas Filipino Workers (OFW) at uniformed personnel.
Ito ay matapos payagan na ang pagbibigay ng second booster shot sa senior citizens at frontline healthcare workers.
Ayon kay Galvez, inabisuhan na ng ilang manning agencies ang mga OFW kabilang na ang mga marino na magpaturok ng second booster shot laban sa COVID-19 para sa kanilang deployment.
Nauna na ring inirekomenda ni Galvez na pabilisin ang pag-apruba ng pangalawang booster shot para sa mas maraming sektor para mapalawak pa ang saklaw ng pagbabakuna ng bansa.
Hanggang nitong Mayo 18, umabot na sa 68,838,393 indibidwal ang fully vaccinated na habang nasa 13,732,500 ang nakatanggap na ng booster dose.