Maaari pa ring i-avail ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng COVID-19 pandemic ang programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na Abot Kaya at Pagtulong (AKAP) program.
Ayon kay Labor Undersecretary Claro Arellano, patuloy pa ring tumatanggap at nagpoproseso ang kagawaran ng cash assistance request mula sa mga OFWs.
Nasa isang bilyong piso ang karagdagang pondo para sa AKAP para tulungan ang nasa 250,000 OFWs.
Sakop ng programa ang mga on-site at repatriated OFWs.
Dagdag ni Arellano, umabot na sa 145,000 OFWs ang kanilang natulungan habang ang bilang ng request ay pumalo na sa 450,000.
Samantala, iginiit ng DOLE na ang gastusin ng mga seafarer na kinukumpleto ang 14-day quarantine ay dapat sagutin ng kanilang manning agencies at may-ari ng mga barko.