Magiging beneficial para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang “non-discriminatory minimum wage” na isinabatas sa Qatar.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, ang Qatar ang kauna-unahang Arab State na naglabas ng bagong labor policy reform sakop ang lahat ng migrant workers.
Sa ilalim ng batas, itinatakda ang minimum wage para sa lahat ng manggagawa ng anumang lahi sa pribadong sektor sa 1,000 Qatari riyals o katumbas ng $274 o ₱13,325.
Bukod dito, inaatasan ang mga employer na tiyaking nabibigyan ang kanilang mga manggagawa ng food and accommodation o alokasyon ng karagdagang 500 Qatari riyals para sa accommodation at 200 Qatari riyals para sa pagkain.
Pinabubuo rin sa ilalim ng batas ang Minimum Wage Committee na siyang magre-review ng impact at application ng minimum wage sa konsultasyon ng iba’t ibang ahensya, eksperto, manggagawa at mga employer.
Ang Qatar government, sa pamamagitan ng Ministry of Administrative Development Labor and Social Affairs (MADLSA) ay makikipagtulungan sa mga employer para sa pag-update ng lahat ng employment contracts.
Pagtitiyak ni Bello na ang mga OFW na nakatatanggap na ng mataas na sahod ay hindi kailangang mangamba dahil tinitiyak ng Qatar na hindi sila maaapektuhan ng bagong batas.
Ang bagong batas ay awtomatikong ipatutupad pagkatapos itong mailathala sa Official Gazette ng Qatar nitong September 9, 2020.