Mga OFW na naapektuhan ng aberya sa NAIA, nakakuha na ng rebooking tickets – DMW

May rebooking plane tickets na ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakaranas ng kalbaryo matapos na magka-aberya ang Air Traffic Management System (ATMS) nitong nagdaang Bagong Taon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Usec. Hans Leo Cacdac na 3,000 mga OFW ang kanilang agad na natulungan nitong January matapos na ma-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa kanilang pakikipag-usap sa Manila International Airport Authority o MIAA noong January 1 ay agad na nabigyan ng food packs at hotel accommodation ang mga OFW na naantala ang flights.


Kinausap na rin daw ng mga labor attache ang mga employer ng mga OFW para ipaliwanag kung bakit naantala ang kanilang biyahe.

Habang matapos kausapin ng DMW ang airline companies noong January 1 ay agad ding nagsagawa ng rebooking process para sa mga OFW.

Dahil dito, nabigyan agad sila ng rebooking plane tickets na ang huling flights ay hanggang January 7, 2023.

Bukod sa mga OFW na ito ay wala nang naitala pa ang DMW na may OFW pang patuloy na nagsasagawa rebooking flights dahil natulungan na agad ng ahensya.

Facebook Comments