Sa kabila ng natanggap na backpay ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtrabaho sa Saudi, hindi pa umano nila ito magagamit sa ngayon dahil hindi pa tinatanggap ng mga bangko sa Pilipinas ang mga tseke na mula sa mga bangko ng Saudi Arabia.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, ginagawa na nila ang lahat upang matugunan ng ang mga alalahanin ng mga OFW.
Aniya, sa mga susunod na araw ay iaanunsyo ng DMW ang kanilang hakbang na gagawin upang matulungan ang mga naturang Pinoy.
Nakatanggap na kasi ng mga tseke ang ilan sa humigit-kumulang 10,000 OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia noong nagkaroon ng oil crisis.
Ang nasabing backpay ng OFWs ay ang hindi pa nababayarang sahod matapos ang kanilang mahigit isang taong paghihintay.
Matatandaang noong Nobyembre nakaraang taon nang mangako si Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman na maglalaan ng humigit-kumulang 2 bilyong riyad para sa hindi pa nababayarang sahod ng mga OFW na nagtatrabaho sa mga construction company na nagdeklara ng bankruptcy noong 2015 at 2016.