Nagbabala ang isang kongresista na posibleng mas marami pang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang makaranas ng “entry refusals” o pagtanggi na makapasok sa iba’t ibang mga bansa dahil na rin sa kawalan ng uniform at kapani-paniwalang COVID-19 vaccination cards.
Ang babala ay bunsod na rin ng paghihigpit at hindi pagtanggap ng Hong Kong sa mga OFW dahil na rin sa magkakaibang vaccination cards na inisyu mula sa mga Local Government Unit (LGU).
Ayon kay AP Partylist Rep. Ronnie Ong, hindi natin masisisi ang Hong Kong kung ayaw nilang kilalanin ang magkakaibang vaccination cards ng mga Pilipino.
Aniya, wala rin kasing pamamaraan para maberipika ang “authenticity” o pagiging tunay ng mga vaccination card mula sa Pilipinas.
Karapatan din aniya ng Hong Kong na pigilan ang mga pumapasok sa kanilang lugar upang maprotektahan ang kanilang mamamayan laban sa COVID-19.
Kaugnay rito ay hiniling ni Ong ang agad na pagsasabatas sa House Bill 8280 o ang Vaccination Passport Law na kinikilala sa ibang mga bansa para sa mga Pilipinong fully vaccinated.
Dagdag pa ng kongresista, inaasahan na niya na sasapitin ng mga OFW ang ganitong scenario kaya dapat na madaliin na ng pamahalaan ang pagkakaroon ng vaccination cards na “internationally recognized” ng ibang mga bansa.