Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na posibleng hindi mabisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Thailand.
Dadalo kasi si Pangulong Duterte sa Bangkok, Thailand para sa 34TH ASEAN Summit sa darating na weekend.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Junever Mahilum-West sa briefing sa Malacañang, wala siyang naririnig na magkakaroon ng Filcom Event na dadaluhan ng Pangulo habang ito ay nasa Thailand.
Paliwanag ni West, masyadong hectic ang schedule ni Pangulong Duterte sa ASEAN Summit kaya mukhang malabong maisingit ito ng Pangulo.
Bukod aniya sa mga aktibidad sa ASEAN ay mayroon pang mga bilateral meetings na dadaluhan si Pangulong Duterte pero hindi pa niya maaaring isapubliko kung sino ang makakapulong ng Pangulo.
Gaganapin ang ASEAN Summit sa June 22-23 at uuwi naman si Pangulong Duterte sa June 24 o sa darating na Lunes.