Umapela si Assistant Majority Leader Niña Taduran sa pamahalaan na tulungan din ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na makauwi ng Pilipinas mula sa mga bansa sa Asya na banned ngayon dahil sa mataas na COVID-19 cases partikular ang Delta variant.
Ang panawagan ng lady solon ay kasunod na rin ng pagpapauwi ng gobyerno sa 348 OFWs mula sa Dubai at Abu Dhabi sa United Arab Emirates na na-trap matapos i-ban ang mga byaherong manggagaling sa mga bansang may mataas na kaso ng bagong variant.
Umaasa ang kongresista na ang mga OFWs mula sa mga banned na bansa tulad ng India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Sri Lanka at Oman ay mabibigyan ng pagkakataong makauwi ng bansa.
Batid ni Taduran na mataas ang panganib ng pagkalat ng Delta variant kung basta lamang papapasukin sa Pilipinas ang mga nanggaling sa mga nabanggit na bansa.
Ngunit katwiran naman ng mambabatas, kung walang sintomas at negatibo sa COVID-19 ay dapat na tulungan ng pamahalaan na makauwi ng bansa at sa kanilang mga pamilya ang mga apektadong OFWs.