Pinapatiyak ni House of Representatives Committee on Overseas Workers Affairs chairman at KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo sa Department of Migrant Workers (DMW) na walang naging problema sa kanilang mga trabaho sa abroad ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong January 1.
Binanggit ni Salo na mahigit 65,000 na mga pasahero ng eroplano at mahigit 300 na local at international flights ang nahinto dahil sa naturang airspace shutdown sa NAIA.
Ayon kay Salo, kasama sa mga nabiktima nito ang mga OFWs na pabalik na sa kanilang employers sa ibayong-dagat matapos silang magdiwang ng kapaskuhan sa piling ng kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Diin pa ni Salo, dapat ay siguraduhin ng mga kinauukulang ahensya na kanilang natugunan ang lahat ng naging pangangailangan ng mga OFWs na idinulot ng naturang problema sa NAIA.