Manila, Philippines – Pananagutin ng Department of Energy (DOE) ang mga kumpanya ng langis na maniningil agad ng karagdagang buwis sa petrolyo sa a-primero ng Enero.
Ito ay matapos na ipa-delay ng DOE ang pagpapataw ng ikalawang bugso ng fuel excise tax.
Ayon kay Energy Assistant Secretary Tony Lambino, may imbak na langis pa naman ang mga oil company na tatagal ng 15 hanggang 30 araw.
Nauna nang nagbabala si DOE Undersecretary Wimpy Fuentebella na pahaharapin nila sa kasong administratibo at criminal at mauwi sa pagpapasara ng tindahan ang mga lalabag na kumpanya ng langis.
May hanggang December 31 ang mga kumpanya ng langis para magsumite sa DOE ng kanilang year-end report para malaman ng ahensya kung kailan dapat patawan ng dagdag-buwis ang kanilang mga produkto.
Samantala sa mga susunod na linggo, posibleng maramdaman na ng publiko ang pagbaba ng mga bilihin na epekto ng pagbaba ng presyo ng langis simula noong Nobyembre.
Mula sa 80-dollars per barrel na halaga ng langis noong Oktubre, nasa 55-dollars per barrel na lang ang presyo nito ngayon sa world market.