
Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga online content na nabantayang naghihikayat at nagsusulong ng karahasan sa mga rally sa gitna ng 49th ASEAN Summit and Related Summits na ginaganap sa bansa.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., hindi hahayaan ng PNP ang maling paggamit ng social media para magbanta sa seguridad ng publiko at pahinain ang mapayapang pagsasagawa ng ASEAN Summit.
Aniya, ang malayang pagpapahayag ay may kaakibat na responsibilidad at ang mga gumagamit ng online platforms para manghimok ng karahasan ay nararapat na mapanagot sa batas.
Nauna nang nakapagtala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) ng mga post at iba pang content na sinasamantala ang komprontasyon sa pagitan ng mga nagpoprotesta at mga pulis para mag-udyok at magsulong ng karahasan.
Gayunpaman, tiniyak ng Pambansang Pulisya na nakahanda ang kanilang pwersa at patuloy ang pagsiguro nila sa kaligtasan ng mga natitirang aktibidad kaugnay ng pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.










