Mga online seller ng ‘overpriced alcohol’, huli sa buy-bust operation

File photo from PIA

Dinakip nitong Lunes ang tatlong online seller na sinasabing nagbebenta ng overprice na alcohol sa lalawigan ng Pampanga.

Sa isinagawang buy-bust operation ng Pampanga Police, naaresto ang lalaking may bitbit ng 17 litro ng alcohol na nagkakahalagang P5,100.

Ayon sa operatiba, doble ang presyo ng alcohol na dapat nasa P122-P150 lamang kada litro alinsunod sa itinakdang halaga ng Department of Trade of Industry (DTI).


Naka-order mismo ang awtoridad sa social media account ng suspek na kinilalang si Jerico Torres, 20-anyos.

Kasama rin sa nahuli ang isang 15-taong-gulang na lalaki na siyang nagmamaneho ng motorsiklo ng salarin.

Paliwanag ni Torres, ito na raw sana ang huling transaksyon nila matapos malaman na iligal ang gawaing ito.

Samantala, sa kulungan ang bagsak ng isang babae na sangkot din sa bentahan ng overpriced alcohol.

Nakipagkita ang ‘di pinangalanan suspek sa pulis na nagpanggap na buyer sa Barangay Salapungan, Angeles City, dala ang 43 litro ng alcohol na pumapalo sa halagang P10,000.

Inilalako raw ng suspek ang kada litro ng alcohol sa presyong P280.

Nasa kostudiya ng pulisya ang mga salarin at sasampahan ng patong-patong na kaso.

Dati nang nagbabala ang DTI na mapaparusahan ang mga mapagsamantalang indibidwal na magtitinda ng mahal na alcohol at hygienic products.

Facebook Comments