Problemado ang ilang jeepney operator at driver sa pagbili ng mga modernong jeepney at bus.
Ayon sa ilang tsuper, hindi nila kaya ang presyo nito kung saan ang isang unit ay umaabot ng 1.6 hanggang 2.4 million pesos.
Hinimok naman ni DOTr Undersecretary Mark De Leon ang mga operator na samantalahin ang alok na 5-6-7 na programa ng gobyerno.
Ito ay 5% downpayment, 6% interest, 7-years to pay.
Mayroon ding 80,000 pesos na subsidy.
Tanong naman ni Orlando Marquez ng Liga ng Transportasyon at Opereytor sa Pilipinas (LTOP) – ang 80,000 pesos na subsidy ay na-compute base sa 1.4 hanggang 1.6 million pesos na unit.
Sagot ni De Leon, pinag-aaralan nilang dagdagan ang subsidy.
Nagbigay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng tatlong taong transition period sa mga operator para i-modernisa ang kanilang pampasaherong jeep.
Sa ngayon, nasa 2,000 modernong pampasaherong sasakyan na ang bumibiyahe sa iba’t-ibang lugar sa bansa.