Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang pag-oobliga sa mga public swimming pool at bathing facilities na magtalaga ng mga lifeguard sa gitna na rin ng tumataas na kaso ng insidente ng pagkalunod.
Hiniling ng senador na maipasa agad ang Senate Bill 1142 o ang Lifeguard Act of 2022 kung saan inaatasan ang mga pool operator na kumuha ng kahit isang lifeguard para sa bawat public swimming pool kabilang na rito ang mga pool sa hotels, inns, motels, condominium buildings, clubhouses at iba pang public o residential setting maliban sa mga swimming pool sa single-family home.
Ayon kay Gatchalian, taun-taon na lamang ay may nababalitaang nalunod lalo na sa mga kabataan kaya iginigiit niya ang pagkakaroon ng lifeguard sa bawat pampublikong swimming pool.
Sinabi ng mambabatas, dapat na may dagdag na lifeguard sa bawat sobra o karagdagang 250 square meters at ang lifeguard ay kailangang certified ng organisasyon na accredited ng Department of Health (DOH).
Mahaharap naman sa multang hanggang P200,000 at pagkakakulong ang mga pool operator na bigong makatupad sa pag-hire ng sapat na bilang ng lifeguards.