Umaapela ang grupo ng mga jeepney operators sa pamahalaan na payagan nang makabiyahe ang mga tradisyunal na jeepney para mapigilan ang mga tsuper na manlimos sa kalsada.
Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Zeny Maranan, hinihintay nila ang magiging anunsyo ng pamahalaan para sa muling pagbabalik operasyon ng mga traditional jeep.
Hayaan na sana sila na makabawi sa mga panahong wala silang kinita bunga ng pandemya.
Sinabi ni Maranan na maraming jeepney operators at drivers ay maaaring tumanggap ng tig-limang pasahero sa magkabilaan ng jeep at isa sa harapan.
Mayroon ding ilalagay na plastic cover sa pagitan ng mga pasahero at magbibigay ng alcohol sa mga pasahero.
Kinakailangan na ring magbayad ng mga pasahero sa terminal para maiwasan ang contact sa driver.
Bukas din ang mga jeepney operator na magkabit ng cashless payment systems kung sila ay papayagang mag-operate ng hanggang tatlo pang taon o higit pa.
Tinatayang nasa 10,000 traditional jeepneys ang nasa Metro Manila at 55,000 ang sumusunod sa modernization plan ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Efren De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), handa silang alisin ang mga lumang jeepney sa kalsada kung bibili ang pamahalaan sa mga local producers tulad ng Sarao at hindi mula sa China.
Hinimok ng ACTO ang pamahalaan na magkaroon ng “win-win” solution.