Mga opisyal at empleyado ng DPWH, sasailalim sa quarantine matapos mamatay ang isang tauhan nito na nakadestino sa PICC quarantine facility

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways o DPWH na sasailalim sa preventive, voluntary quarantine ang lahat ng mga opisyal at empleyado na nagtrabaho sa pagsasaaayos sa PICC na isa sa mga itinalagang COVID-19 quarantine facility.

Ayon kay Build, Buid, Build Committee Chairman Anna Mae Lamentillo, ito ay kasunod ng pagkamatay ng isang empleyado ng DPWH na kabilang sa mga nagtrabaho sa conversion ng PICC bilang quarantine center.

Aniya, ang biktima ay nakaranas ng diarrhea at nasuri na para COVID-19.


Sa ngayon, sinabi ni Lamentillo na wala pa ang resulta ng COVID-19 test ng namatay nilang empleyado.

Dagdag pa ni Lamentillo, siya pati sina DPWH Sec. Mark Villar, DPWH NCR Director Ador Canlas at ang iba pang opisyal kasama ang empleyado ng DPWH ay boluntaryong sasailalim sa self-quarantine habang hinihintay ang resulta ng COVID-19 ng nasawi mula sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM.

Nakipag-ugnayan na rin ang DPWH sa pamilya ng biktima at nagpaabot na ng tulong kung saan sinimulan na rin nika ang contact tracing partikular sa mga naka-salumuha ng namatay na empleyado.

Matatandaan na kinumpirma ni Villar na nitong mga nakalipas na linggo ay hindi bababa sa tatlong empleyado ng DPWH ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19.

Facebook Comments