Manila, Philippines – Pinagpapaliwanag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang mga opisyal ng Bureau of Corrections at New Bilibid Prisons kung bakit hindi agad ipinatupad ang kanyang kautusan na ilipat ang mga inmate duon sa kanilang orihinal na selda.
Ayon kay Aguirre, nadiskubre niya ito kasunod ng inilunsad na Oplan Galugad ngayong araw sa New Bilibid Prisons kung saan ilan sa mga high profile inmate ay naruon pa sa medium security compound.
Ibinaba ni Aguirre ang kautusan limang araw na ang nakakalipas.
Sa tanong kung mayruon bang masisibak dahil sa hindi agad pagsunod sa kanyang utos, sinabi ng kalihim na bibigyan muna niya ng pagkakataon na magpaliwanag ang mga opisyal at kawani sa NBP.
Pero kung hindi niya magugustuhan ang paliwanag, may kaukulang parusa na ipapataw sa kanila.
Ang kanyang presensya sa oplan galugad sa NBP kahapon ay ang magsisilbing ultimatum para ipatupad ang kanyang kautusan na ibalik sa kanilang orihinal na selda ang mga Bilibid inmates.