Nagpasaklolo na sa abogado ang grab driver sa viral video na lugaw is not essential at may-ari ng lugawan na nangyari sa Barangay Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon kay Marvin Ignacio, nakaranas siya ng harassment mula sa mga tanod sa bayan ng Barangay Muzon.
Wala pa aniya ang viral video ay palagi ng dumadaan sa Lugaw Pilipinas ang mga bantay bayan at pinagsisigawan silang mga grab rider at tinatakot din ang mga staff ng lugawan.
Mayroon din aniya itong natanggap na mensahe ng pagbabanta sa kanyang facebook messenger na labis nitong ikinabahala kung saan natatakot na siya para sa kanyang buhay at pamilya lalo na’t alam umano ng mga opisyal ng barangay ang kanyang bahay.
Samantala, sabi naman ni Mary Jane Ressurrection, may-ari ng Lugaw Pilipinas, nakaranas din sila ng harrassment laban sa mga tauhan ng Barangay Muzon.
Ito aniya ang dahilan kung bakit napilitan na lamang silang magsara lalo na’t simula noong isang taon ay lagi silang pinupuntahan ng mga tauhan ng Barangay Muzon at tinatakot.
Nagkaroon na aniya sila ng pulong sa DILG pero ang sinasabi ay sa barangay sila magreklamo, na mahirap para kay Mary Jane dahil mismong ang barangay sa pamumuno ni Kapitan Mar Gatchalian ang kanilang inirereklamo.
Bunsod nito, sabi ni Atty. John Michael Tipon na pinag-aaralan na nila ang paghahain ng kaukulang reklamo sa piskalya laban sa pamunuan ng Barangay Muzon.
Nauna nang nagviral ang facebook post ni Ignacio matapos sabihin ng mga tauhan ng Barangay Muzon na ang idedeliver niyang lugaw ay hindi naman essential.