Mga opisyal at tauhan ng pamahalaan na nahaharap sa kaso at imbestigasyon, awtomatikong pagbabawalan na lumabas ng bansa

Ipinasasabatas ni Senator Erwin Tulfo ang awtomatikong pagbabawal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na lumabas ng bansa kapag nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.

Sa ilalim ng Senate Bill 1362 na inihain ng senador, hindi na pwedeng mag-abroad at hindi na bibigyan ng foreign travel authority kapag ang opisyal ay nasampahan ng kasong kriminal o administratibo, sumailalim sa preliminary investigation, fact-finding investigation o audit inquiry ng mga competent authorities.

Mahigpit ding ipagbabawal kung sa tingin ng nagapruba ng foreign travel authority na ang paglabas ng bansa ng opisyal ay makakaapekto sa imbestigasyon, prosecution o audit.

At bawal na bawal din kapag ang nasasangkot ay may kinalaman sa national security, public safety at public health.

Oras na maging ganap na batas, ang sinumang opisyal o tauhan ng pamahalaan na lalabag ay makukulong ng anim na taon hanggang 12 taon at pagmumultahin ng hanggang ₱2 million at habambuhay na pagbabawalan nang magtrabaho sa pamahalaan.

Facebook Comments