Sumailalim sa swab test para sa COVID-19 ang mga opisyal na pisikal na dadalo sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga unang nagpa-test ay ang mag-asawang House Speaker Alan Peter Cayetano at Taguig Representative Lani Cayetano, House Deputy Speakers Raneo Abu, Dan Fernandez, at Bienvenido Abante.
Ang mga mambabatas at mga panauhin na dadalo sa SONA ay dumaan sa RT-PCR test sa De Venecia Hall sa Batasang Pambansa.
Ang lahat ng bisita sa SONA ngayong araw ay sasailalim sa rapid test.
Ayon kay House Speaker Cayetano, limitado lamang sa 50 katao ang pwedeng pumasok sa venue para masaksihan ang talumpati ng Pangulo.
Pabor din sila sa ‘Plan B’ kung saan sa Malacañang gagawin ang SONA kapag mataas ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Batasan.
Ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay naghanda ng Zoom Viewing Rooms para sa ilang piling indibidwal na hindi makakapasok sa kwarto kung saan ihahatid ng Pangulo ang kanyang SONA.
Una nang sumailalim sa swab test ang Pangulo at nagnegatibo sa COVID-19.