Kinalampag ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang pamahalaang Duterte na palitan na ang mga itinalaga sa Inter-Agency Task Force (IATF) at iba pang opisyal na dapat sana’y mas kinakikitaan ng pag-iingat sa publiko laban sa COVID-19.
Ito ang sentimyento ni Zarate kasabay na rin ng paggunita sa isang taong lockdown mula nang pumutok ang balita ng pagpasok ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Zarate, mamamayan ang sinisisi sa biglang pagtaas ng mga kaso ng sakit gayong ilan sa mga opisyal ang siya pang nangunguna sa pagiging pasaway.
Ang tinutukoy ng kongresista ay sina Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas at Presidential Spokesperson Harry Roque na nakumpirmang positibo sa COVID-19.
Tinawag ng mambabatas si Sinas na “epitome of impunity” dahil sa kabila ng unang paglabag nito sa ginawang mañanita party noong nakaraang taon sa kanyang kaarawan ay hindi rin ito dumaan sa health screening nang magtungo ito sa Mindoro.
Samantala, sinabi naman ng kongresista na si Roque ay natatanging halimbawa ng isang pasaway dahil sa halip na mag-isolate matapos makumpirmang may COVID-19 ay nagawa pa nitong pumasok ngayong araw sa opisina kung saan may banta na posibleng mahawa ang ibang empleyado sa Palasyo.
Dagdag pa ng solon, kung ang pakahulugan sa “excellent” na pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 ay pagkapuno ng mga hospital wards, pagtaas pa lalo ng kaso, kawalan ng mass testing at mabagal na vaccine rollout na sinabayan pa ng mga pasaway na opisyal, hindi malayong nasa mas delikadong sitwasyon ang bansa sa pagharap sa pandemya.