Pinapaparusahan ng Kamara ang mga opisyal ng gobyerno na magpapabaya sa pagtugon ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Layunin ng House Bill 9230 na inihain nila Deputy Speakers Eddie Villanueva, Benny Abante, Bernadette Herrera, Mikee Romero, CIBAC Partylist Rep. Domeng Rivera at Quezon City Rep. Allan Reyes na papanagutin ang anumang “acts of negligence, inaction and irresponsibility” ng gobyerno tuwing may public health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Nakasaad sa panukala na ang isang government official o employee ay posibleng maharap sa parusang pagkakabilanggo ng hindi bababa sa 5 taon at hindi lalagpas sa 20 taon at disqualification sa public office.
Para kay Villanueva, hindi lamang dapat ang mga opisyal na nasasangkot sa korapsyon, panunuhol at pandarambong ang napaparusahan sa batas kundi dapat napapanagot din ang mga nasa pamahalaan na nagpakita ng pagkukulang, pagiging iresponsable, kawalan ng kaalaman at pananaw sa panahon ng krisis.
Sa panig naman ni Abante, sa mga ganitong pagkakataon ay dapat na mabilis, may kakayahan sa tungkulin at malinaw na policy direction ang mga naglilingkod sa publiko dahil kung hindi ay posibleng maraming buhay ang mahihirapan at masasayang.
Ilan naman sa mga gawain na ipinagbabawal ang kawalan ng kinakailangang pagtugon sa public health emergency; hindi pagtupad sa tungkulin ng walang sapat na dahilan; kapabayaan sa pagtiyak ng pagkakaroon ng kinakailangang gamot, bakuna, supplies o facilities; pagkaantala sa pamamahagi ng pondo na para sa public health emergency response; at hindi pagsusumite ng report kaugnay sa ginastos ng ahensya o LGU sa isang programa o proyekto.
Dagdag pa sa paglabag ang tampering o hindi pagsasapubliko ng kumpletong epidemiological data; paglabag sa standard health protocols; pagpasok sa kontrata o transaksyon na makakaapekto sa interes ng public officer; at iba pang maanomalya o kwestyunableng hakbang na gagawin habang nasa public health emergency ang bansa.