Mga opisyal na malapit kay VP Sara Duterte, may alam at kontrol sa paggastos sa confidential funds ng OVP

Lumabas sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na ang mga malalapit na opisyal kay Vice President Sara Duterte ang may alam at kontrol sa paggastos sa ₱500 milyon confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022 at 2023.

Ito ay makaraang bigyang-diin ng mga opisyal ng OVP na dumalo sa pagdinig na wala silang alam kung papaano ginamit ang confidential funds ng OVP.

Pahayag ito sa pagdinig nina OVP Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Chief Accountant Julieta Villadelrey, Budget Division Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido at Edelyn Rabago na OIC ng Budget Division.


Sa pagtatanong sa kanila ni House Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, lumilitaw na bukod kay VP Sara, ay direkta ring may kinalaman sa pangangasiwa sa naturang pondo sina Gina Acosta, ang special Disbursement Officer ng OVP at si Atty. Zuleika Lopez na Chief of Staff.

Sina Acosta at Lopez ay parehong galing sa Davao City government bago kinuha ni Duterte sa OVP.

Facebook Comments