MGA OPISYAL NG BARANGAY NA SASAMPAHAN NG KASO DAHIL SA SAP ANOMALY MAAARI PANG MADAGDAGAN

DAGUPAN CITY – Nagpasalamat si DILG Usec. Martin Diño sa higit 40,000 barangay offcials sa buong bansa na ginampanan ng tama ang kanilang mga tungkulin sa pamamahagi ng SAP. Ngunit sa kabila nito ay kinumpirma naman nito na maaari pang madagdagan ang mga bilang ng mga barangay officials na masasampahan ng kas. Ito ay bunsod umano ng dumaraming bilang ng mga dumudulog sa kanilang opisina upang i-reklamo ang mga maanumalyang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa naging panayam ng IFM Dagupan sa opisyal sinabi nitong isa ang Pangasinan sa may pinakamaraming reklamo laban sa kanilang mga barangay officials kung saan ay napadalhan na nila ng show cause order. Matatandaang hinikayat ng palasyo na isumbong ang mga kurap na barangay officials na may kaakibat pang pabuya na nakikitang dahilan kung bakit ganun na lamang ang pagtaas ng datos.

Samantala, muling nagbabala si Diño sa mga opisyales ng mga barangay sa nalalapit na muling distribusyon ng panibagong bugso ng SAP. Umapila ito na gawin ng tama ang kanilang mandato bilang mga halal ng bayan at huwag papasilaw sa salapi ngayong panahon ng pandemya. Hinikayat pa rin nito ang mga mamamayan na isumbong ang mga gumagawa ng kabalbalan na opisyal ng kanilang mga barangay.


Facebook Comments