Bubuweltahan ng Makati City Government ang ilang opisyal ng Barangay Dasmariñas na nasa likod ng app/online portal na tumatanggap ng mga nagpapatala para sa COVID-19 vaccination.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, naghahanda na sila ng mga legal na hakbang laban sa naturang barangay officials.
Nilinaw rin ng Makati City LGU (Local Government Unit) na ang nasabing app/portal ng Brgy. Dasmariñas ay hindi otorisado at hindi ito nakipag-ugnayan sa kanila.
Malinaw rin aniya itong paglabag sa rules at regulations ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF) at ng City Government.
Ayon kay Mayor Binay, ang tanging otorisadong registration portal para sa pagbabakuna sa lungsod ay ang www.covid19vac cine.safemakati.com.
Iisa rin lamang aniya ang pagkukunan ng bakuna at ito ay ang Makati City Government.
Nanawagan din si Binay sa mga residente ng Makati na ang opisyal na mga pahayag tungkol sa pagbabakuna sa lungsod ay manggagaling lamang sa mga lehitimong social media accounts at website ng pamahalaang lungsod.