Mga opisyal ng Bulacan First District Engineering Office, dumalo sa pagdinig ng Senado; asawa ng contractor na si Sarah Discaya na si Curlee Discaya, humarap na rin sa pagdinig

Ipinagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon tungkol sa mga maanomalyang flood control projects.

Humarap sa pagdinig ang mga opisyal ng Bulacan First District Engineering Office na idinarawit sa mga ghost projects sa lalawigan kabilang sina dating Asst. District Engr. Brice Ericson Hernandez, Construction Division Chief Engr. Jaypee Mendoza at Accountant III Juanito Mendoza.

Matatandaang tinukoy noong nakaraang pagdinig ng Blue Ribbon sina Hernandez at Mendoza ang palaging kasama ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa pagka-casino.

Dumalo na rin sa pagdinig si Pacifico “Curlee” Discaya, authorized managing officer ng Alpha & Omega General Contractor at St. Gerrard General Contractor & Development Corp. , at mister ng kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya.

Sa top 15 contractors, muling hindi humarap ang President ng Hi-Tone Construction & Devt. Corp na si Edgar Acosta at may kinatawan na bagong presidente ng kumpanya na si Edsyl Marbella.

Samantala, tumanggi muna si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na humarap sa Senate hearing at sa halip ay sa Kamara muna siya tetestigo.

Paliwanag ni Magalong sa liham na pinadala sa Senado, inaasahan niyang ipatatawag siya sa imbestigasyon sa Kamara para hindi mapangunahan ang anumang aksyon ng mga nasasangkot dito.

Nagpa-excuse rin sa pagdinig si DPWH Sec. Vince Dizon dahil kakaupo pa lamang sa ahensya at napakaraming dokumento pang inaayos sa ahensya pero nagpadala naman ang kalihim ng mga undersecretaries na makasasagot sa katanungan ng mga senador.

Facebook Comments