Ipatatawag Department of Foreign Affairs o DFA ang mga opisyal ng Chinese Embassy para talakayin ang mga insidente sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Inihayag ito ni Nueva Ecija Second District Representative Joseph Gilbert Violago sa plenary debates ng Kamara sa 2024 proposed budget ng DFA.
Tugon ito ni Violago sa pag-usisa ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino kung mayroon pang natitirang “diplomatic options” ang DFA para igiit ang ating sovereign rights sa WPS lalo’t hindi kinikilala ng China ang arbitral ruling na pabog sa atin.
Sabi ni Violago, iimbitahan ng DFA ang embahada ng Tsina upang ipabatid ang mensahe ng ating gobyerno kay Chinese Foreign Minister Wang Yi.
Binanggit din ni Violago na sa ilalim ng administrasyong Marcos ay umaabot na sa 111 ang diplomatic protests na naihain ng DFA laban sa China.