Mahaharap ang mga opisyal ng Colegio de San Lorenzo (CDSL) sa mga legal na isyu matapos ipasara ang paaralan sa dapat na unang araw ng klase.
Ayon kay Quezon City Legal Department Head Atty. Orlando Casimiro, nasa 717 na mag-aaral mula sa nursery hanggang Grade 12 at 652 na mag-aaral sa kolehiyo ang naapektuhan matapos ipahayag ng CDSL ang pagsasara nitong Agosto 15.
Sinabi ng mga opisyal, ito ay dahil sa problemang pinansiyal ng paaralan at mababang enrollment turnout sa mga nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Casimiro, titiyakin nila na magkakaroon ng mga legal na isyu na haharapin ang mga opisyal ng paaralan at dapat sila managot.
Una nang sinabi ng Department of Education (DepEd) na iimbestigahan ng ahensya kung ano talaga ang naging dahilan ng CDSL hinggil sa biglaang pagsasara.
Samantala, sa panayam ng RMN Manila kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kinumpirma nito na bukas ang Quezon City University para sa mga estudyante ng CDSL na naapektuhan ng pagpapasara.
Dagdag pa ni Belmonte, tumugon na rin sa kaniyang panawagan ang Trinity College at Saint University.
Kabilang na rin sa mga eskwelahan na nagsabing tutulong sa mga estudyante ng CDSL ay ang University of Santo Tomas Angelicum College, APEC Schools V. Luna, Thames International School, Philippine Women’s University – Jose Abad Santos Memorial School (PWU-JASMS) at STI College Muñoz-EDSA.