Nagsagawa ng biglaang inspeksyon sa tinaguriang dolomite beach sa Manila Bay sa Roxas Boulevard, Maynila sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, Undersecretary Benny Antiporda, Chief Justice Diosdado Peralta at Court Administrator Jose Midas Marquez.
Ininspeksyon nila ang mga itinambak na dinurog na dolomite o artificial white sand matapos mapaulat na inanod na ng alon at ng tubig-ulan ang bahagi ng dolomite.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cimatu na personal niyang pinuntahan ang kontrobersyal na dolomite beach dahil nais niyang makita ang tunay na sitwasyon sa nasabing dalampasigan.
Sa kasalukuyan ay wala pa namang opisyal na pahayag ang DENR at ang Korte Suprema pero asahan aniya na maglalabas sila ng official report kaugnay nito.
Una nang nagpalabas ng Writ of Kalikasan ang Korte Suprema na nag-aatas sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na linisin at pangalagaan ang kalikasan.