Kinalampag ni House Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co, ang legal division ng Department of Information and Communication Technology (DICT).
Ito ay para kasuhan ang mga dating opisyal ng DICT na responsable umano sa paglipat sa bilyun-bilyong pondo nito sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA noong nakaraang taon bago pumasok ang administrasyong Marcos.
Agad din namang binalik ng MMDA sa treasury ang naturang pera na nagkakahalaga ng P1.1 billion na nakalaan sana sa free Wi-Fi at government data center.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations ay sinabi ni DICT Sec. Ivan Uy na pagpasok ng kasalukuyang administrasyon ay nagtataka sila kung bakit sa 11,000 free Wi-Fi sites ay 3,900 na lamang ang gumagana.
Kanilang nabatid na hindi ni-renew ang kontrata para sa data subscription at napunta ang pondo sa MMDA at iba pang proyekto.
Sinabi naman ni DICT Assistant Secretary Renato Paraiso, nahihirapan sila na bayaran ang mga data center na nagbigay ng serbisyo kahit walang pinipirmahang kontrata.
Binanggit din ni Paraiso, na hindi pa sila nakapagsagawa ng full audit pero may opinyon ang Department of Justice (DOJ) na nagsasabing iligal ang ginawang paglipat ng pondo ng DICT sa programa ng MMDA.