Lumabas sa pag-dinig ng Senado na hirap ang Department of Health o DOH na isagawa ang contact tracing sa mga nakasabay sa eroplano ng dalawang Chinese nationals sa bansa na nag-positibo sa novel coronavirus o nCoV.
Ikinatwiran ni Health Secretary Francisco Duque na 17 percent pa lang ng 331 na pasahero ng eroplano na sinakyan ng nabanggit na dalawang Chinese ang nakokontact ng DOH, lima sa mga ito ang nagpakita ng sintomas ng virus, apat ay naka-quarantine na habang ang isa ay tumanggi na magpa-quarantine.
Ikinadismaya ng mga senador ang mahinang contact tracing pero paliwanag ni Duque, ayaw ng mga airlines na ibigay sa kanila ang detalye ng mga pasahero dahil sa Republic Act 10173 o Data Privacy Act of 2012.
Giit naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, dapat nagkukusang kumilos at makiapag-tulungan sa contact tracing ang Bureau of Immigration (BI), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Civil Aeronautics Board (CAB), dahil hawak ng mga ito ang immigration form na sinusulatan ng mga pasahero sa paliparan ng kanilang mga impormasyon.
Diin naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade, walang nakalatag na protocol at mayroong failure of communication and coordination kaya hindi nagtatagumpay ang contact tracing, kung saan dapat ay nakikipag-ugnayan and DOH sa CAAP.
Sabi nina Senators Francis Kiko Pangilinan at Panfilo Ping Lacson, may failure of leadership sa panig ng DOH kaya sablay ang contact tracing.
Mungkahi naman ni Senator Ronald Bato Dela Rosa, maaring tumulong ang Philippine National Police o PNP sa pagsasagawa ng contact tracing at garantisado sa loob ng dalawa o hanggang tatlong araw ay apprehended o accounted agad ang mga nakasalamuha ng nakumpirmang positibo sa nCoV.