Mga Opisyal Ng Gobyerno Na Lalabag Sa Data Privacy Act, Mas Mabigat Ang Kaparusahan — NPC

Nagbabala ang National Privacy Commission o NPC na mas mabigat ang kaparusahan kapag isang opisyal ng gobyerno ang lalabag sa Data Privacy Act.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NPC Deputy Commissioner Atty. Jose Amelito Belarmino II, na lahat ng mamamayan ay may pananagutan sa batas, pero mas mataas ang pamantayan sa mga nasa gobyerno dahil sila ay dapat magsilbing huwaran.

Kung ang isang public official ang lalabag, bukod sa multa at kaso, maaari rin silang habambuhay na pagbawalang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Layunin nito na masiguro na ang mga lingkod-bayan ay responsable sa paghawak ng personal na impormasyon ng publiko, at mapanatili ang tiwala ng taumbayan.

Dagdag pa ng NPC, hindi lamang opisyal ng gobyerno kundi lahat ng mamamayan ang sakop ng batas. Ngunit kapag public servant ang nagkamali, mas mabigat ang pananagutan.

Facebook Comments