Pinapapatawan ng isang senadora ng mas mabigat na parusa ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang namilit sa mga testigo na magsinungaling.
Nakapaloob ito sa Senate Bill 2512 na isinusulong ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.
Layon ng panukalang batas na amyendahan ang Revised Penal Code partikular ang parusa laban sa public officers na ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang baluktutin ang katotohanan.
Sinabi ni Hontiveros na layon din ng panukala na pangalagaan ang integridad ng korte at mapanatili ang tiwala ng publiko sa legal process.
Iginigiit din sa panukala na hindi kinukonsinte sa legal system ang pagsisinungaling at katiwalian.
Nakasaad sa panukala na ang sinumang opisyal na mamimilit sa testigo o mga testigo na magsinungaling ay mahaharap sa pagkakakulong na hanggang anim na taon, multang P1 milyon at perpetual absolute disqualification sa anumang appointive o elective position.