Manila, Philippines – Pinagsusumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ng report bago ang April 7 kaugnay sa problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila.
Ito ay bahagi ng pahayag ng Malacañang na ipinadala sa media bandang alas 2 ng madaling araw kanina kaugnay sa naganap na pulong kagabi ng Pangulo sa mga opisyal ng MWSS at ng Maynilad at Manila Water.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ito ang atas ni Pangulong Duterte sa mga opisyal ng MWSS matapos sabunin kagabi ng aabot sa 40 minuto ng walang banlawan at hindi din aniya binigyan ng Pangulo ng pagkakataon na magsalita ang mga ito.
Sinabi ni Panelo na ang report ng MWSS ang gagawing batayan ni Pangulong Duterte kung sisibakin niya ang mga ito o hindi at kung kakanselahin ang kontrata ng mga water concessionaires, inihayag din aniya ni Pangulong Duterte ang kanyang matinding pagkadismaya sa mga opisyal ng MWSS pati na ng Maynilad at Manila Water.
Sinabi aniya ni Pangulong Duterte na ang iniisip lang ng mga ito ay kumita at hindi iniisip ang kapakanan ng mamamayan.
Hinintay pa aniya ng nga ito na bantaan sila ng Pangulo na susugurin mula sa Davao City bago kumilos.
Malinaw na malinaw aniya ayon sa Pangulo na alam ng mga opisyal ang paparating na problema sa supply ng tubig pero walang ginawa ang mga ito para ito ay maiwasan.
Binigyang diin aniya ni Pangulong Duterte na hindi siya magdadalawang isip na sibakin ang mga nasa MWSS para maprotektahan ang mamamayan at tiyakin na maayos ang kalagayan ng nga ito na bahagi ng kanyang mandato bilang Pangulo ng bansa.