Mga opisyal ng MWSS, pinasisibak ng isang consumer group kay PRRD

Manila, Philippines – Pinasisibak na kay Pangulong Rodrigo Duterte sina MWSS administrator Reynaldo Velasco at MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

Ito ang apela ng United Consumers and Commuters Group, kasunod ng nararanasan na kawalan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig-lalawigan.

Ayon kay UFCC President RJ Javellana, mali-mali ang mga impormasyong ibinibigay nina Velasco at Ty kay Pangulong Duterte.


Patunay aniya dito ang pahayag ni Pangulong Duterte mag-release ng tubig mula sa Angat Dam na sapat sa loob ng 150 araw.

Sabi ni Javellana, malinaw na ipinahihiya lamang nina Velasco at Ty ang Pangulo sa mata ng publiko dahil technically aniya ay hindi naman ito maaring ipatupad.

Paliwanag ng consumers group lumalabas ngayon na isa nang tagapagsalita ng dalawang water concessionaire ang nabanggit na mga opisyales ng MWSS.

Sa pag-aaral ng UFCC, hindi epektibo ang privatization ng serbisyo sa tubig sa bansa kaya panahon na para bawiin ng gobyerno ang pagpapatakbo sa kamay ng Manila Water at Maynilad.

At para maisagawa ito ani Javellana marapat magtalaga ang gobyerno ng independent audit firm para makita ang mga pagkakamaling ginawa ng dalawang pribadong kumpanya sa suplay ng tubig sa bansa.

Facebook Comments