Manila, Philippines – Sa ilalim ng Anti-Hospital Deposit Law o Republic Act 10932, pinabigat ang mga penalty na ipapataw sa mga ospital at medical clinics na tatanggi o hihingi muna ng deposito sa pasyente bago simulan ang paglalapat ng paunang lunas sa mga emergency situation.
Mula sa pagmumulta ng 100 libong pisong halaga hanggang 300 libong piso para sa mga ospital na mapatunayang lalabag, hanggang sa pagpapakulong na may multang hindi bababa sa 500 libong piso para naman sa pamunuan ng mga ospital na mappatunayang direktang nagutos na tanggihan ng isang pasyente, hanggang sa pagbawi ng license to operate ng mga paulit- ulit na violators.
Tiniyak ng DOH na mapoprotektahan sa pinagigting na batas na ito ang karapatan ng publiko.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, buo ang suporta ng Department of Health sa batas na ito dahil win-win situation ito para sa taombayan.
Pinawi naman ng kalihim ang pangamba ng pagkalugi ng mga private hospitals, aniya iko-cover naman ng PhilHealth ang mga gastusin para sa emergency treatment ng isang pasyente at maging ang paglilipat ng pasyente sa pampublikong ospital.
Inaasahang sa loob ng 90 araw matatapos na ang binabalangkas na IRR para sa implementasyon ng Anti Hospital Deposit Law na una nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes, August 3, 2017.