Mga opisyal ng PAGCOR na nagpabaya sa hindi nasingil na buwis sa isang POGO, hiniling na maparusahan

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na maparusahan ang mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na nagpabaya sa hindi pagsingil ng buwis sa isang POGO hub na nakaalis na ng bansa.

Ayon kay Hontiveros, hindi katanggap-tanggap na hindi mabawi ng PAGCOR ang hindi nabayarang buwis ng POGO na aabot sa P2.2 billion.

Mas nakakaalarma aniya na tila sumuko na ang PAGCOR sa paghahabol sa naturang kumpanya at hindi matanggap ng senadora na basta ganun na lang na kakalimutan ang bilyun-bilyong obligasyon ng POGO.


Paalala ng mambabatas na responsibilidad ng PAGCOR na bantayan ang industriya ng online gambling matapos na tila napabayaan ng ahensya na maghasik na lang ng lagim ang mga POGO sa bansa.

Hiniling ni Hontiveros na kasama sa mapanagot sa batas ang mga PAGCOR officials na nagkibit-balikat lang sa halagang P2.2 billion unpaid dues ng isang POGO firm.

Tiniyak naman ng senadora na sa budget hearing ng PAGCOR ay itatanong niya ang naturang isyu matapos na ipagmalaki ng ahensya ang kanilang revenue collections na hindi naman pala lahat ay nakokolekta.

Facebook Comments