Mga opisyal ng pamahalaan, muling ginisa sa ikaapat na oral arguments kaugnay sa PhilHealth funds

Natapos na ang unang araw ng ikaapat na oral arguments kaugnay sa petisyong kumukuwestiyon sa pagiging legal ng paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth pabalik sa National Treasury.

Isa sa mahistradong nagtanong ang nagbahagi ng kaniyang karanasan sa PhilHealth nang magkasakit siya noon.

Ayon kay Associate Justice Jhosep Lopez, umabot sa pitong milyong piso ang nagastos niya para sa pagpapaospital pero nasa limampung libong piso lamang ang sinagot ng PhilHealth.


Muli namang ginisa ng mga mahistrado ang ilang opisyal nang tanungin kung bakit hindi ginalaw ang mga sobrang pondo.

Sa pagtatanong ni Justice Lopez, tinanong nito si PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco Jr., kung dapat bang managot ang ahensiya kaugnay sa hindi paggastos ng halos P90 billion na sobrang pondo mula pa noong 2021.

Samantala, sa paliwanag naman ni Finance Secretary Ralph Recto kay Associate Justice Ricardo Rosario, hindi lamang daw sa PhilHealth sila naghanap ng natutulog na pondo na gagamitin sa mga proyekto ng pamahalaan.

Inilipat ng PhilHealth ang sobrang pondo alinsunod sa direktiba ng Department of Finance batay na rin sa 2024 General Appropriations Act.

Ipagpapatuloy ang ikaaapat na oral arguments sa PhilHealth funds bukas ng umaga.

Facebook Comments