Nagbabala ang Department of Justice (DOJ) na posibleng maharap sa kasong administratibo ang mga pulis at opisyal ng pamahalaan kung mapatunayang nakikipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) para sa imbestigasyon ng drug war ng administrasyong Duterte.
Ito ay kasunod ng post ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na nagsabing direkta nang nakikipag-ugnayan ang ICC investigators sa 50 aktibo at dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng umano’y crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi rin ni Trillanes na maaaring ituring na suspek at ipaaaresto sa Interpol ang mga nasabing police officials kung hindi sila makikipagtulungan sa ICC.
Sa Malacañang press briefing, iginiit ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na may mga probisyon sa ilalim ng R.A. 6713 na magbibigay parusa sa mga government official na lalabag sa kanilang ethics at conduct.
Samantala, muling iginiit ni Clavano ang posisyon ni Pangulong Marcos na walang responsibilidad ang Pilipinas sa ICC dahil hindi na miyembro ng Rome Statute ang bansa.