Mga opisyal ng Pharmally at PS-DBM, pinakakasuhan ng Kamara

Pinakakasuhan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation at ilang opisyal ng Procurement Services ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Ang rekomendasyon na kasuhan ang mga opisyal ng Pharmally at PS-DBM ay kaugnay sa committee report ng ginawang imbestigasyon sa umano’y overpriced medical supplies na binili ng Department of Health (DOH) para sa COVID response.

Inirekomenda ng komite na makasuhan ng syndicated estafa ang mga opisyal ng Pharmally na sina Huang Tzu Yen (President), Linconn Ong (Director), Mohit Dargani (Treasurer), Twinkle Dargani, Justine Garado at Krizle Grace Mago.


Pinasasampahan din ng kaso sina Jorge Mendoza II at Mr. Mervin Ian Tanquintic ng PS-DBM Inspection Division dahil sa falsification of public documents matapos na amining pinirmahan nila ang pro-forma ICAR habang nasa China pa ang mga produkto at hindi naiinspeksyon.

Pinabubuwag na rin ang PS-DBM dahil mayroon namang sariling procurement department at Bids and Awards Committee (BAC) ang lahat ng ahensya ng gobyerno.

Facebook Comments