Ngayong araw ay plano ng Senado na ituloy ang paglipat sa Pasay City Jail ng mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations na sina Linconn Ong at Mohit Dargani na naka-ditine sa Senado.
Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon, ito ay resulta ng kabiguan nina Dargani at Ong na isumite sa Senado ang ang kahon-kahong mga dokumento ukol sa financial statements ng Pharmally.
Sa report ni Senate Sergeant at Arms Retired General Rene Samonte kay Gordon, hindi nagbigay ng impormasyon sina Dargani at Ong kung nasaan ang nabanggit na mga dokumento.
Itinuro pa raw ng dalawa ang kanilang abogado na si Atty. Don Kapunan na nakakaalam sa kinaroroonan ng mga dokumento pero wala naman pala itong kalam-alam.
Base sa commitment order ng Senado na naka-address kay Supt. Ramil Vestra ng Pasay City Jail, mananatiling nakapiit sina Dargani at Ong hangga’t hindi nila naisusumite sa Senado ang nabanggit na mga dokumento at hangga’t hindi nila sinasagot ang tanong ng mga senador kaugnay sa iniimbestigahang iregularidad sa pagbili ng pandemic supplies.
Samantala, mananatili naman sa Senado ang kapatid ni Mohit na si Twinkle Dargani bilang konsiderasyon sa umano’y mental health problem na dinaranas nito.